Isang makasaysayang araw para sa Honor of Kings at sa mundo ng esports! Umabot sa 62,196 fans ang dumagsa sa Beijing National Stadium o mas kilala bilang “Bird’s Nest” noong Nobyembre 8 para sa King Pro League (KPL) 2025 Grand Finals, na ngayon ay kinilala ng Guinness World Records bilang may “pinakamalaking live attendance sa isang esports match” sa kasaysayan.
Bukod sa dami ng nanood onsite, nakapagtala rin ang torneo ng higit 250 milyong online viewers, dahilan upang ituring ang KPL bilang pinakapinapanood na mobile esports league sa buong mundo.
Ayon kay Carlos Martinez ng Guinness World Records, pormal na naitala ang naturang rekord matapos ang masusing beripikasyon. Aniya, “Kayo ang opisyal na may hawak ng Guinness World Record para sa pinakamalaking attendance sa isang esports event. Tunay kayong kamangha-mangha.”
Tinalo ng bagong record ang dating marka na 45,000 fans noong Pro Evolution Soccer UEFA Euros 2016 tournament.
Sa mismong laban, muling nagharap ang Chengdu AG Super Play at Chongqing Wolves sa isang best-of-seven finals. Muling nanaig ang Chengdu AG sa iskor na 4–2, kaya sila ang unang team na nagkampeon ng back-to-back titles sa KPL. Ang star player na si Xu “YiNuo” Bicheng ay tinanghal na Finals MVP sa ikalawang pagkakataon.
Pagkatapos ng matagumpay na finals sa China, susunod namang pupukpukin ang Honor of Kings International Championship 2025 sa Makati at Parañaque, Philippines, simula Nobyembre 14.
