Sa kabila ng kontrobersya ukol sa bilyong pisong sobrang pondo, nilinaw ng PhilHealth na hindi nito sasagutin ang lahat ng gamot at laboratory tests sa ilalim ng bagong expanded benefit package para sa mga pasyenteng may sakit sa bato.
Sa isang advisory noong Hulyo 21, sinabi ni PhilHealth CEO Emmanuel Ledesma Jr. na ayon sa PhilHealth Circular No. 2024-014, ang mga serbisyo ay ibibigay base sa kalagayan ng pasyente ayon sa clinical assessment ng health-care provider at hindi ayon sa demand ng pasyente.
Ang mga serbisyo ay tumutukoy sa hemodialysis treatment sessions para sa mga pasyenteng may end-stage chronic kidney disease (CKD).
“Samakatuwid, ang mga pasyente ay makakatanggap lamang ng mga serbisyong clinically indicated at kinakailangan para sa bawat treatment session,” dagdag ni Ledesma.
Ayon sa kanyang circular noong Hunyo 28, ang minimum standards ay “base sa clinical practice guidelines at naglalayong tiyakin ang magandang kinalabasan.”
Kasama sa minimum standards ng paggamot para sa mga pasyenteng may Stage 5 CKD (CKD5) ang Erythropoietin, Iron Sucrose IV, at Heparin o Enoxaparin.
Kasabay nito, nasa gitna ng kontrobersya ang PhilHealth matapos iutos ng Department of Finance (DOF) na i-remit ang P89.9 bilyon ng unused subsidies mula 2021 hanggang 2023 sa national treasury para pondohan ang unprogrammed appropriations ng gobyerno ngayong taon.