Umabot na sa 233,428 estudyante mula sa 465 pampublikong paaralan ang naapektuhan ng patuloy na pag-aalboroto ng Kanlaon Volcano sa Negros Island, ayon sa Department of Education (DepEd).
Matapos ang moderately explosive eruption noong Huwebes ng gabi, makapal na abo ang bumalot sa 130 barangay sa Negros Occidental, dahilan para suspindihin ang face-to-face classes at ilipat sa alternative learning modes ang mga estudyante sa buong Negros Island Region.
Ayon sa DepEd, wala pang paaralan ang ginagamit bilang evacuation center sa ngayon, ngunit patuloy ang monitoring sa mga pamilyang maaaring lumikas. Tinitiyak din ng ahensya ang kahandaan ng mga paaralan sakaling kailanganin itong gawing evacuation sites.
Inatasan ang mga school officials na i-activate ang disaster risk reduction teams, ipatupad ang contingency plans, at siguraduhing ligtas ang learning materials at mahahalagang kagamitan upang hindi maputol ang edukasyon ng mga apektadong mag-aaral.
