PULSE PH

Higit 102,000 katao apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon!

Umabot na sa mahigit 102,000 katao mula sa 87 barangay sa rehiyon ng Bicol ang naapektuhan ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense o OCD ngayong Lunes, Mayo 4, 2026, kabilang sa mga apektado ang mga residente mula sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Ligao City na nakaranas ng makapal na ashfall o pag-ulan ng abo nitong nakaraang weekend.

Sa kasalukuyan, nasa 5,440 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center habang ang iba naman ay nananatili muna sa kanilang mga kamag-anak. Dahil sa tindi ng ashfall, naging zero-visibility ang ilang kalsada kaya agad na nagpakalat ng mga tauhan ang Philippine National Police upang tumulong sa paglilinis at paggabay sa mga motorista. Nagbabala rin ang mga otoridad na iwasan ang paglabas ng bahay kung hindi kinakailangan at laging magsuot ng N95 mask para sa proteksyon sa kalusugan.

Nananatili ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon na nangangahulugang mataas pa rin ang antas ng pagkabalisa nito. Nakapagtala ang mga eksperto ng mga rockfall events at pyroclastic density currents o uson sa nakalipas na 24 oras. Patuloy naman ang pamamahagi ng tulong tulad ng pagkain, tubig, at water filtration systems mula sa lokal at nasyonal na pamahalaan para sa mga pamilyang kailangang lumikas mula sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone.

Exit mobile version