Amerikano na ang magpapasya sa matinding botohan sa pagitan nina Kamala Harris at Donald Trump ngayong Martes, sa labanang posibleng magluklok sa unang babaeng presidente ng Amerika o maghatid kay Trump ng pagbalik na yayanig sa mundo.
Habang nagbubukas ang mga polling stations, patuloy ang dikit na labanan sa pagitan ng Democrat na si Harris, 60, at Republican na si Trump, 78, sa pinakapayak at pinakamainit na presidential race ng modernong panahon. Sa mga huling araw ng kampanya, puspusang nagtatrabaho ang magkaribal para makuha ang boto ng undecided na mga botante sa mga swing state na magtatakda ng resulta.
Kahit na puno ng dramatikong mga pangyayari—mula sa pagpasok ni Harris nang umatras si Pangulong Joe Biden noong Hulyo, hanggang sa nakaraos si Trump mula sa dalawang pagtatangka sa kanyang buhay at isang kriminal na kaso—wala pa ring malinaw na panalo sa mga surveys.
Magbubukas ang mga polling stations ng alas-6 ng umaga sa East Coast ng Amerika, at inaasahang milyun-milyon pa ang boboto, bukod pa sa mahigit 82 milyong bumoto nang maaga. Kung dikit ang resulta, maaaring hindi pa malaman ang panalo agad, na magdaragdag sa tensyon sa bansang malalim na nahahati.
May pangamba ng kaguluhan kung matalo si Trump at kuwestiyunin muli ang resulta, tulad ng ginawa niya noong 2020. Dahil dito, naghahanda na ang White House at mga negosyo sa Washington laban sa posibleng karahasan.
Ang mundo rin ay nagmamasid, dahil ang resulta ng eleksyon ay magdadala ng malalaking epekto sa mga sigalot sa Middle East, sa digmaan ng Russia sa Ukraine, at sa mga hakbang para harapin ang climate change—na tinatawag ni Trump na “hoax.”
