Umabot sa 1,907 pamilya na naapektuhan ng sunog sa Quezon City ang nabigyan ng tulong mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at QC LGU.
Nagpamigay ang PCSO ng mga relief pack na may pagkain, mahahalagang gamit, at modular tents para sa mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Barangay Pinyahan noong Marso 6. Isinagawa ang distribusyon ng “charitimba” buckets sa city hall sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority at ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ang pamamahagi nina PCSO general manager Melquiades Robles, Mayor Joy Belmonte, at MMDA general manager Nicolas Torre III.
Sa ulat, aabot sa 4,000 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog. Pansamantalang inilikas ang mga biktima sa ilang evacuation centers kabilang ang Flora Ylagan High School at iba pang covered courts at paaralan sa lugar.
Samantala, isang residente ang naiulat na nasawi matapos atakihin sa puso habang nagaganap ang insidente.
