Isang malaking eskandalo ang nabunyag matapos matuklasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na halos ₱774 milyon ang napunta sa isang pumping station sa Tondo na hindi man lang gumana simula nang matapos ito noong 2020.
Ang Sunog Apog Pumping Station sa Hermosa Street, Gagalangin, Tondo ay sinimulan noong 2018 at tinaguriang “pangmatagalang solusyon” sa pagbaha sa Maynila. Pero ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, hindi ito kailanman naging operational — at mas lalo pa raw nitong pinalala ang pagbaha sa lugar.
“Halos isang bilyon, tapos mula 2020 hanggang ngayon, hindi gumana. Nakakagalit,” ani Dizon. Idinagdag pa niya na nakalaan pa ngayong taon ang dagdag na ₱94 milyon para sa pagkukumpuni, pero duda siyang maaayos pa ito.
Si dating Manila Mayor Isko Moreno, na matagal nang bumabatikos sa proyekto, tinawag itong isa sa pinakamalaking kahihiyan ng lungsod:
“Bago ‘to ipinatayo, manageable ang baha. Pero nang maitayo, lalo pang lumala,” aniya, sabay pagbunyag na wala pa itong building permit at power connection.
Ayon kay Dizon, malinaw na bahagi ito ng pattern ng mga palpak na proyekto sa ilalim ng nakaraang administrasyon, kung saan tuloy-tuloy ang release ng pondo kahit depektibo o minsan ghost project ang kinalalabasan. Inihalintulad pa niya ito sa flood control project sa Arayat, Pampanga na bumigay agad isang taon matapos matapos.
Dahil dito, suspendido muna ang ₱94M na dagdag na pondo at isasailalim ang pumping station sa third-party review para malaman kung ano talaga ang dapat gawin.
Ngayon na muling paparating ang mga bagyo, nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa agarang solusyon.
“Bukas may bagyo na naman, sa susunod na linggo meron ulit. Hanggang kailan kami magtitiis?” pahayag ni Moreno.