Lumalalim ang gusot sa flood control corruption scandal matapos pumutok ang pangalan ni Orly Guteza — dating Marine bodyguard na ngayon ay itinuturong tauhan at “go-between” umano nina Rep. Rodante Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor.
Si Guteza, na nagdawit kina dating House Speaker Martin Romualdez at Zaldy Co sa milyun-milyong pisong kickback, ay sinasabing ipinakilala ni Defensor kay Marcoleta. Ayon sa mga ulat, si Guteza rin umano ang may koneksyon sa negosyanteng si Michael Yang — kilalang financial adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang tatlong pangalan — Marcoleta, Defensor, at Yang — ay matagal nang binabansagang malalapit sa mga Duterte, kaya’t umigting lalo ang hinala na may mas malalim na impluwensya sa likod ng mga anomalya.
Ngunit matapos mag-ingay sa Senado, biglang naglahong parang bula si Guteza bago pa man makaharap ng National Bureau of Investigation. Sa ngayon, wala pa siyang opisyal na testimonya sa mga imbestigador, bagay na lalong nagpalakas sa spekulasyon na siya’y “itinago” para hindi makapagsalita.
Habang patuloy ang Senate Blue Ribbon Committee sa pagbusisi sa flood control anomalies, inaasahang ipapatawag din sina Marcoleta at Defensor upang linawin ang papel nila sa pagpapalabas ni Guteza bilang testigo.
Sa kabila ng mga pahayag ni Guteza, nananatiling malabo kung sino ang tunay na mastermind sa likod ng kickback scheme. Pero malinaw na lumilinaw ang pattern — at sa gitna nito ay ang koneksyon ng mga kaalyado ni Duterte, kabilang si Michael Yang, sa umano’y malawakang katiwalian sa flood control funds.