Gumawa ng ingay sa red carpet ng prestihiyosong Cannes Film Festival ang batikang aktres na si Cate Blanchett dahil sa kanyang kakaibang kasuotan na tila hinalaw sa gawa ng isang Pinoy artist. Sa premiere ng pelikulang Garance, suot ng Oscar winner ang isang nakakamanghang black halter-neck gown na puno ng makukulay na burdang bulaklak mula sa Fall/Winter collection ng sikat na fashion house na Givenchy.
Agad na napansin ng mga mahilig sa sining at moda na ang disenyo ng mga bulaklak sa gown ay lubhang kahawig ng mga sikat na painting ng Filipinong pintor na si Olan Ventura. Partikular na itinuturo ang kanyang mga likha na Still Life with Parrot, Tulip Poppies, Roses and Snowball at Still Life of Flowers na may katulas na istilo ng mga detalye.
Bagamat walang opisyal na pahayag ang Givenchy na direkta nilang inspirasyon ang Pinoy painter nang unang ipakita ang koleksyon sa Paris Fashion Week, hindi ito nakaligtas sa pansin ng marami. Mismo si Ventura ay nagbahagi sa kanyang social media ng mga posts ng mga fashion creators na nakapansin sa pagkakahawig ng sining niya sa gown ng aktres.
