Sa kauna-unahang pagkakataon, magsasama ang Korean superstars na sina Gong Yoo at Song Hye Kyo sa bagong seryeng “Slowly, Intensely.”
Kinumpirma ng representative ng palabas na sinimulan na ang production nitong linggo. Ang proyekto ay sa direksyon ni Lee Yoon-jung at isinulat ng batikang screenwriter na si Noh Hee-kyung.
Matagal nang nakakatrabaho ni Hee-kyung si Hye Kyo, tulad ng sa mga hit dramas na “Worlds Within” noong 2008 at “That Winter, the Wind Blows” noong 2013. Si Gong Yoo naman ay gumanap sa iconic na “Coffee Prince” na idinirek din ni Yoon-jung.
Ang “Slowly, Intensely” ay magbabalik-tanaw sa mundo ng broadcasting noong 1970s, na magtatampok ng mga kwento ng mga sikat na personalidad at ang mga taong nasa likod ng kanilang tagumpay.
May budget na 70 bilyong won (P2.8 bilyon), target ng 22-episode series na matapos ngayong taon at ipalabas sa Netflix.
Parehong malalaking pangalan na sa Netflix sina Gong Yoo at Song Hye Kyo — si Gong Yoo sa “Squid Game” at si Hye Kyo sa “The Glory.”
Bukod sa mga ito, kilala si Gong Yoo sa “Train to Busan,” “Guardian: The Lonely and Great God,” “The Silent Sea,” at kamakailan lang sa “The Trunk.”
Si Hye Kyo naman ay bida rin sa “Descendants of the Sun,” “Encounter,” “Now, We Are Breaking Up,” at sa paparating niyang pelikula na “Dark Nuns,” ang unang pelikula niya sa loob ng isang dekada.