Isang matikas na simula para kay Ritchie Estampador at isang matamis na tagumpay para kay Maricar Camacho—ganyan ang naging kwento ng dalawang matapang na runners sa 2025 National Milo Marathon Manila leg sa Mall of Asia Concert Grounds nitong Linggo.
Kahit umambon, hindi napigil ang alab nina Estampador at Camacho, na itinanghal na hari at reyna ng 21-kilometrong marathon matapos lampasan ang halos 20,000 iba pang kalahok.
Bagong Hari ng Kalsada
Baguhan pa lang sa marathon, pero nagpakilala agad si Estampador, isang atleta mula Mapua na tubong La Castellana, Negros Occidental. Nilampasan niya ang mas beteranong kalaban, tumakbo ng walang preno, at tinapos ang race sa loob ng 1 oras, 10 minuto, at 18 segundo.
Matamis na Tagumpay para kay Camacho
Samantala, matapos ang sunod-sunod na runner-up finishes, sa wakas ay nasungkit na ni Camacho, pride ng Bacoor, Cavite, ang korona sa women’s division. Tinapos niya ang karera sa 1:32:16, patunay na ang tiyaga at sipag ay nagbubunga.
“Walang ipinanganak na malakas. Lahat nakukuha sa tiyaga,” ani Camacho, dating factory worker, na sa halos 50 beses na sumubok sa half-marathon ay ngayon lang nakamit ang inaasam na panalo.
Matinding Laban sa Podium
Sa men’s division, sina Roy Laudit (1:15:09) at Mark Anthony Oximar (1:17:23) ang pumangalawa at pangatlo, habang sa women’s category, ang beteranang si Jho-An Villarma (1:43:21) at Charlyn Ayende (1:49:20) ang kumumpleto sa podium finishers.
Parehong naging dominante sina Estampador at Camacho, nagsimulang bumitaw mula sa kumpetisyon sa unang 10 kilometro ng karera mula Baclaran patungong Coastal Terminal.
Pangarap at Pananalig
Para kay Estampador, na dating steeplechase, 800m, at 1,500m runner, malaking bagay ang lakas ng loob at tiwala sa sarili sa kanyang unang sabak sa marathon.
“Maraming malalakas at beterano sa ganitong distance. Beginner lang ako, ang goal ko lang sana ay mag-podium, pero binigay ko lahat,” sabi ng 23-anyos na atleta, na may hawak na record sa 3000m steeplechase sa NCAA at Palarong Pambansa.
Si Camacho, 37, na minsan nang nagwagi sa 42K Manila leg noong 2023, ay ipinangako ang premyong P10,000 para sa edukasyon ng kanyang 3-anyos na anak. Samantalang si Estampador, gagamitin ito para sa kanyang pag-aaral bilang third-year Education (P.E.) major sa Mapua.
Ayon kay Milo Sports head Carlo Sampan, ang kanilang adbokasiya ay hindi lang tungkol sa pagiging kampeon sa sports kundi pati na rin sa buhay.