Unti-unti nang nakikilala sa showbiz ang Sparkle GMA artist Aya Domingo, isang batang Caviteña na patuloy na nagpapatunay ng kanyang talento sa pag-arte — at ngayon, pangarap namang pasukin ang action genre.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Aya na bahagi siya ng upcoming GMA action-drama series na “Never Say Die,” kung saan gaganap siyang best friend ng karakter ni Jillian Ward. Nauna na rin siyang napanood sa “Mga Batang Riles” at sa ilang episodes ng “Magpakailanman” at “Regal Studio Presents.”
Ayon kay Aya, matagal na niyang pangarap ang pag-arte, hindi lang para matupad ang kanyang childhood dream kundi para rin makatulong sa pamilya. Kaya naman puspusan siya ngayon sa pagdalo sa acting workshops para mas lalong mahasa sa kanyang craft.
Ngunit bukod sa pag-arte, may kakaibang hilig din si Aya — ang mixed martial arts (MMA) at iba’t ibang combat sports gaya ng jujitsu, karate, taekwondo, kickboxing, at muay thai.
“Gusto ko talagang ituloy ‘yung MMA kasi pangarap ko ring maging action star,” ani Aya. “Kapag walang taping, gusto kong bumalik sa training.”
Kuwento pa niya, nagsimula ang kanyang showbiz journey nang isang talent manager na nanghiram ng sasakyan mula sa kanilang car rental business ang nakilala ng kanyang ina. Doon siya ipinakilala at kalaunan ay nakapasok sa Sparkle GMA Artist Center.
Ngayong abala na sa taping, aminado si Aya na minsan ay hirap siyang maglaan ng oras para sa sarili. Kaya naman malaking tulong para sa kanya ang Pampercity by Owemji, isang “all-in-one luxury pamper hub” kung saan siya isa sa mga brand ambassadors.
“Pagod na pagod ako minsan after taping kaya hindi ko na nagagawa ang skincare routine ko. Sa Pampercity, mabilis ‘yung effect at alam nila kung ano ‘yung best para sa skin ko,” paliwanag niya.
Para kay Aya, mahalaga ang confidence at kabutihang loob sa industriyang puno ng magagandang mukha.
“Ang tunay na ganda, hindi lang sa labas. Maganda ang isang tao kung maganda rin ang ugali niya,” sabi ng young actress.
Kasama rin ni Aya sa launch ng Pampercity sina Romark Rosita, Natasha Ledesma, at beauty queen Mercedes Pair.
Sa ngayon, patuloy na hinahasa ni Aya ang kanyang talento sa pag-arte at sa martial arts — paghahanda sa katuparan ng kanyang pangarap: ang maging susunod na action star ng GMA.
