Sa GMA Network, malaki ang pagpapahalaga sa pagkamalikhain at sa mga empleyadong itinuturing na pinakamahalagang yaman ng kumpanya. Patuloy naming hinihikayat ang aming mga Kapuso na tuklasin ang kanilang natatanging talento—dahil naniniwala kaming hindi lang nito pinayayaman ang kanilang buhay kundi pati na rin ang buhay ng iba.
Sa loob ng halos 25 taon, ang GMA Art Gap ay naging isang plataporma para ipakita ang talento ng aming mga Kapuso employees at artists. Mula sa simpleng painting exhibit noong 2001, lumago ito bilang taunang event na sumasaklaw sa iba’t ibang uri ng sining—mula sa pagpipinta, potograpiya, paggawa ng kanta, video production, fashion, at sustainable design.
Ngayong papalapit na ang 75th anniversary ng GMA Network, inilunsad ang “Art Gap Gives Back”—isang inisyatiba na pinagsasama ang sining at malasakit sa kapwa. Sa pakikipagtulungan ng National Children’s Hospital at The Little Ark Foundation, inilaan ng proyekto ang suporta nito sa mga batang pasyenteng lumalaban sa leukemia at thalassemia.
Ang Little Ark Foundation ay itinatag ng isang dating GMA employee na ang anak ay matagumpay na naka-recover mula sa leukemia matapos sumailalim sa bone marrow transplant. Ang organisasyon ay nagbibigay ng pabahay, transportasyon, pagkain, at therapy para sa mga batang pasyente na may edad 19 pababa.
Bilang bahagi ng programa, 30 batang pasyente ang nagkaroon ng pagkakataong lumahok sa art therapy session—isang mahalagang paraan upang matulungan silang iproseso at ipahayag ang kanilang damdamin sa isang positibong kapaligiran.
“Ito ang unang pagkakataon na nakipagtulungan ang GMA sa National Children’s Hospital at Little Ark Foundation. Masaya at nagpapasalamat kami na naging bahagi nito,” ayon kay Butch Bustamante, tagapagtatag ng Little Ark.
Damang-dama rin ang suporta ng Sparkle artists ng GMA, na nagpakita ng malasakit sa kanilang sariling paraan. Beauty queen at host na si Shuvee Etrata ay nagbahagi ng kanyang saloobin:
“Bilang artists, may platform tayo para tumulong. Hindi lang ito tungkol sa pera—pwede tayong magbigay ng saya. Ngayon ang tamang panahon para tumulong.”
