Site icon PULSE PH

Gin Kings, Isang Hakbang na Lang sa Finals!

Walang awa sa depensa, walang mintis sa opensa—Barangay Ginebra tuloy-tuloy sa pananalasa! Tinambakan ng Gin Kings ang nalulunod na NorthPort, 127-100, para lumapit sa PBA Commissioner’s Cup finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa ikatlong sunod na panalo kontra Batang Pier matapos ang 115-93 at 119-106 na tambakan, maagang pumutok ang Ginebra, 64-40, para ilatag ang pundasyon ng kanilang 3-0 lead sa best-of-seven series.

Susubukan ng tropa ni Coach Tim Cone na tapusin ang serye sa isang sweep sa Game 4 sa Miyerkules at makapasok sa Finals sa ikalawang sunod na kumperensya.

Bumalik sa porma si Jamie Malonzo, na nagpasabog ng 25 puntos, kabilang ang 4-of-5 mula sa tres. Ang kanyang 16-point explosion sa second quarter ang nagbigay ng matinding 34-19 run na nagpahina sa depensa ng NorthPort.

Rain or Shine, Lumalaban Pa!

Samantala, nakaiwas sa 0-3 butas ang Rain or Shine matapos depensahan ang kalamangan sa isang dikit na laban kontra TNT, 103-98.

Matapos matalo sa endgame ng unang dalawang laro, 88-84 at 93-91, nagpakita ng composure ang tropa ni Yeng Guiao laban sa Tropang Giga na wala si Jayson Castro.

Nagpakitang-gilas sina Adrian Nocum, Deon Thompson, Gian Mamuyac, at Caelan Tiongson sa clutch moments para tapusin ang TNT comeback at gawing 2-1 ang serye.

“Hinahanap namin na mapahaba ang serye. Ngayon, 2-1 na, at siguradong may Game 5. Mas gusto namin kung umabot ito sa Game 7 dahil mas malaki ang tsansa namin,” ani Guiao.

Exit mobile version