Wagi ang Philippine U16 football team sa 2025 Lion City Cup sa Singapore matapos manguna sa standings ng apat-na-koponang torneo noong Linggo, Hulyo 13 sa Jalan Besar Stadium.
Tinulungan pa ng 4-1 panalo ng Singapore kontra Hong Kong ang Pilipinas para tuluyang maselyuhan ang korona — ang kauna-unahang championship ng bansa sa Lion City Cup mula nang ito ay muling buhayin noong 2013.
Ang pambato ng Pilipinas ay binuo ng mga batang manlalaro mula sa iba’t ibang rehiyon — kabilang ang NCR, Zamboanga del Norte, Central Visayas, Laguna, Negros Occidental, at Davao — sa ilalim ng direksyon ni Coach Tetsuya Tsuchida.
Sa kabuuan, nagtala ang Pilipinas ng dalawang panalo at isang draw (7 points):
- 2-0 laban sa host Singapore (Hulyo 9)
- 1-1 kontra Hong Kong (Hulyo 11)
- 3-1 win laban sa Cambodia sa kanilang huling laban
Lubos ang papuri ni PFF President John Gutierrez sa koponan:
“Mabuhay kayo! Ipinakita ninyong sa pagkakaisa, kayang abutin ng isang team ang tagumpay. Inspirasyon kayo sa mga batang footballer sa buong bansa.”
Tunay ngang may kinabukasan ang football sa Pilipinas!