Kinulang sa depensa at inalat sa opensa—ganito nadurog ang Gilas Pilipinas matapos silang bugbugin ng Egypt, 86-55, sa Doha Invitational Cup sa Qatar kahapon.
Sinamantala ng mga Pharaohs ang kanilang laki at mainit na shooting para itarak ang isang dominanteng panalo. Matapos ang dikit na first quarter, pinasabog ng Egypt ang second quarter, 21-9, dahilan para tuluyang lumobo ang kalamangan. Tila naubusan ng sagot ang Gilas, na natambak pa lalo sa fourth quarter, 29-10.
Ito na ang pangalawang sunod na talo ng koponan ni Coach Tim Cone, matapos din silang paamuin ng Lebanon (82-70) at host Qatar (83-54). Mula sa kanilang panalong comeback kontra Qatar (74-71), biglang dumulas pababa ang Nationals at natapos ang torneo na may 1-2 record.
Si Justin Brownlee lang ang tila nagbigay ng buhay sa Gilas, kumamada ng 18 points at limang rebounds, pero kapos ang suporta mula sa iba. Si Carl Tamayo ang sumunod na may pinakamataas na output na may siyam na puntos.
Samantala, ang trio ng Egypt na sina Ehab Amin Saleh (20 pts), Amr Zahran (12 pts), at 7-foot-2 Omar Tarek Oraby (10 pts) ang sumira sa depensa ng Gilas. Sumabog ang mga Egyptians ng 11 three-pointers, habang ang Pilipinas ay nakapagpasok lang ng apat.