Hindi makakalaro si Giannis Antetokounmpo sa NBA All-Star Game dahil sa right calf strain, ayon sa anunsyo ng National Basketball Association. Dagdag siya sa listahan ng mga bituing hindi makadadalo sa taunang mid-season showcase na gaganapin sa Los Angeles.
Ipinalit kay Giannis ang guard ng San Antonio Spurs na si De’Aaron Fox, na personal na pinili ni NBA Commissioner Adam Silver. Mapapasama si Fox sa koponang USA Stripes sa mini-tournament na tampok ang World team at dalawang US squads.
Kabilang din sa mga hindi makalalaro sina reigning MVP Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder at si Stephen Curry ng Golden State Warriors. Samantala, duda rin ang paglahok ni Luka Doncic ng Los Angeles Lakers matapos ma-rule out sa laro kontra sa dating koponan na Dallas Mavericks.
Sa Rising Stars event, umatras din sina Cooper Flagg at Alex Sarr.
Ito ang ikalawang All-Star selection ni Fox matapos ang una noong 2023. Kasalukuyan siyang may average na 19.4 puntos, 6.3 assists, at 3.8 rebounds, habang nasa ikalawang puwesto sa Western Conference ang Spurs na may 38-16 record.
