Kinumpirma ng isang medical examiner na ang beteranong aktor na si Gene Hackman at ang kanyang asawang si Betsy Hackman ay pumanaw sa natural na sanhi, halos isang linggo lamang ang pagitan ng kanilang pagpanaw.
Natagpuan ang mga labi ng Oscar-winning actor at ng kanyang asawa noong Pebrero 26 sa kanilang tahanan sa New Mexico matapos rumesponde ang mga emergency services.
Ayon kay Heather Jarrell, chief medical examiner ng New Mexico Office of the Medical Investigator, si Gene Hackman, na 95 taong gulang, ay pumanaw dahil sa hypertensive at atherosclerotic cardiovascular disease, na pinalala pa ng Alzheimer’s disease.
Samantala, si Betsy Hackman, na 65 anyos, ay pumanaw naman dahil sa hantavirus pulmonary syndrome, isang bihirang sakit na dulot ng virus mula sa ihi o dumi ng ilang uri ng daga.
Walang palatandaan ng anumang trauma o carbon monoxide poisoning sa katawan ng mag-asawa, na una nang pinaghinalaang dahilan ng kanilang pagkamatay.
Ayon kay Jarrell, batay sa data mula sa pacemaker ni Hackman, huling gumana ito mahigit isang linggo bago sila natagpuan, na tinatayang noong Pebrero 18. Samantala, huling beses namang nakitang buhay si Betsy Hackman ay noong Pebrero 11, na nagpapahiwatig na siya ang unang pumanaw.
Natagpuan si Betsy sa kanilang banyo na may mga nakakalat na gamot sa paligid, habang si Gene naman ay natagpuan sa isa pang bahagi ng bahay, fully clothed, at may sunglasses na malapit sa kanya — na tila senyales ng biglaang pagbagsak.
Isang aso ang natagpuan ding patay sa banyo, habang dalawa pang aso sa bahay ang nasa maayos na kalagayan.
Si Hackman ay kilalang aktor sa Hollywood na nagwagi ng dalawang Academy Awards. Isa sa kanyang pinakatanyag na papel ay bilang si Jimmy “Popeye” Doyle sa pelikulang The French Connection noong 1971, na nagbigay sa kanya ng Best Actor award.