Hindi man sumabak sa international sports arena, nakuha pa rin ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang spot sa SONA 2025 ni Pangulong Bongbong Marcos—katabi ng mga pangalan nina Manny Pacquiao at Hidilyn Diaz!
Habang binibigyang-diin ni Marcos ang mga programang pang-sports para sa kabataan, bigla siyang nag-ad lib: “Isama na rin natin ang bago nating kampeon, si PNP Chief Nic Torre. Nasorpresa ang chief natin.” Patok ito sa audience, sabay hiyawan at palakpakan.
Ang tinutukoy? Ang kontrobersyal (at di-natuloy) na suntukan nila ni acting Davao City Mayor Baste Duterte. Matapos tanggapin ni Torre ang hamon, itinakda ang charity match sa Rizal Memorial Coliseum—pero hindi sumipot si Duterte. Panalo by default si Torre, at nakalikom pa ng halos P25 milyon na donasyon para sa mga biktima ng bagyo.
Sa isang presscon, tinawag ni Torre si Baste na “bully na laging tumatakbo kapag hinaharap.” Giit pa ni Torre: “Tumayo tayo laban sa bully, pero ang bully tumakbo—at hindi ito ang unang beses.”
Samantala, iginiit ni Baste sa vlog na wala raw siyang formal na hamon. Nagpahayag lang daw siya na “bugbugan si Torre kung magkatapat sila.” Saka siya naglatag ng kondisyon: dapat daw ipasailalim sa drug test si Marcos at lahat ng halal na opisyal bago siya lumaban—kaya hindi natuloy ang bout.
Sa parehong SONA, inanunsyo rin ni Marcos ang mga programang magpapalaganap ng active lifestyle—mula sa Zumba, fun run, hanggang libreng jogging sa sports ovals sa Pasig, Maynila, at Baguio. May plano rin siyang buhayin ang sports clubs at intrams sa lahat ng pampublikong paaralan.
Pero sa ngayon, si Gen. Torre muna ang tumanggap ng pansamantalang ‘champion belt’—kahit wala pang suntok na dumapo.