Bagama’t walang rekord ang Bureau of Immigration (BI) na nagpapakita na umalis na sa bansa ang suspendidong Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, hindi ito itinuturing na imposible ni Sen. Sherwin Gatchalian na baka nakagawa na siya ng ganoon gamit ang kanyang Chinese passport.
“Batay sa impormasyon namin mula sa Bureau of Immigration, nandito pa siya dahil sinuri namin kung naglisan na ba si Guo Hua Ping, wala pa silang nakuha na rekord na ganoon,” sabi ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
“Kung sakaling dumaan siya sa ating mga paliparan, pantalan, malalaman nila. Pero alam natin na may iba pang paraan para makatakas,” dagdag pa niya.
“Ako ay naniniwala na may Filipino passport siya at mayroon din siyang Chinese passport. Baka, malay mo, ginamit niya ang kanyang Chinese passport para makalabas,” aniya.
Ayon sa mga rekord ng immigration na binanggit ni Gatchalian, gumamit si Guo ng Chinese at Philippine passports mula 2008 hanggang 2011.
