Todo-rebuild ang Capital1 Solar Spikers matapos kumuha ng walong bagong manlalaro, kabilang ang apat na dating miyembro ng nabuwag na Chery Tiggo Crossovers.
Kabilang sa mga bagong salta sina Jasmine Nabor, Cherry Nunag, Shaya Adorador, at Ponggay Gaston, na inaasahang magdadala ng karanasan at lalim sa koponan. Sumama rin sa Capital1 sina Ezra Madrigal, Francine Ronquillo, Ysa Jimenez, at Rachel Jorvina.
Layunin ng mga bagong recruit na suportahan ang mga haligi ng prangkisa na sina Bella Belen, Leila Cruz, at Roma Doromal habang binubuo muli ang koponan para sa mga susunod na torneo.
Umabot na sa 19 ang kabuuang roster ng Capital1, na mayroon pang 11 manlalarong may aktibong kontrata ayon sa mga source.
Samantala, nakakuha naman ang Strong Group Athletics (SGA) ng malaking free agent sa katauhan ng beteranong spiker na si Mylene Paat. Gayunman, hindi pa tiyak kung saang koponan siya mapupunta, dahil hawak ng SGA ang parehong Farm Fresh at ZUS Coffee.
