Isang makasaysayang reverse sweep ang pinakawalan ng Argentina matapos talunin ang Finland, 19-25, 18-25, 25-22, 25-22, 15-11, sa FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Smart Araneta Coliseum.
Bida ang beteranong team captain na si Luciano De Cecco, na naghatid ng 32 excellent sets at nagpaandar ng opensa sa huling tatlong sets. Tinulungan siya nina Pablo Sergio Koukartsev (20 pts) at Luciano Palonsky (19 pts) na nagtulak sa Argentina para makuha ang unang panalo sa Pool C.
Para kay De Cecco, 37, na nasa kanyang ika-19 taon na sa national team, bawat laban ay espesyal—lalo’t posibleng huling pagkakataon na niya itong maglaro sa World Championship.
“Ang paglalaro para sa Argentina ang pinakamagandang karanasan ng buhay ko. Kung ito man ang huli, sisiguraduhin kong maiaangat pa rin namin ang bansa sa pinakamataas na antas,” ani De Cecco, na nakasungkit na rin ng Olympic bronze noong Tokyo 2021.
Sa comeback na ito, muling nagparamdam ang Argentina na handa silang lumaban para sa podium finish—unang beses mula pa nang mag-bronze sila noong 1982.
