Isinulat ng Filipinas ang bagong pahina ng kasaysayan matapos masungkit ang kauna-unahang SEA Games gold medal ng Pilipinas sa football. Tinalo ng women’s national team ang defending champion Vietnam sa isang dikdikang penalty shootout, 6–5, sa Chonburi, Thailand.
Nagtapos sa scoreless draw ang laban matapos ang 90 minutong regulation at 30 minutong overtime, dahilan para umabot sa penalty kicks ang desisyon. Sa 5–5 na tabla, isinuksok ni Jackie Sawicki ang panalo sa huling tira, bago sinelyuhan ni goalkeeper Olivia McDaniel ang tagumpay sa isang game-winning save.
Ayon kay team captain Hali Long, ramdam na ng koponan ang panalo kahit sa gitna ng tensyon ng penalties. Aniya, espesyal ang gintong ito dahil unang beses itong napanalunan ng Filipinas sa SEA Games.
Mas naging makasaysayan ang panalo dahil sa malinis na depensa laban sa Vietnam, kabilang ang isang goal ng kalaban na na-disallow dahil offside. Ito ang pinakabagong milestone ng Filipinas matapos ang kanilang 2023 FIFA Women’s World Cup appearance at ASEAN Women’s Championship title—patunay ng patuloy na pag-angat ng women’s football ng Pilipinas.
