Hindi pa tapos ang laban ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa UAAP Season 87 women’s volleyball! Matapos ang isang dikdikang laro, pinataob nila ang University of the Philippines sa iskor na 25-21, 25-16, 14-25, 26-24 sa Smart Araneta Coliseum.
Bagamat nadulas sa third set, bumawi agad ang Lady Tams at sumabog sa huling yugto ng laban para kunin ang panalo. Dahil dito, naitabla nila ang record ng UST sa 7-4 at nananatiling malapit sa second place na hawak ng La Salle (8-3).
Umalab si Congolese import Faida Bakanke na may 20 puntos, habang sumuporta sina Chenie Tagaod at Gerzel Petallo na may tig-14 puntos. Si Petallo, kumamada pa ng 10 digs at 13 receptions — all-around queen! Sa likod ng plays? Walang iba kundi si Tin Ubaldo, na may 17 excellent sets.
Sa sumunod na laban, bumida si super rookie Shaina Nitura ng Adamson matapos maghulog ng 32 puntos para gapiin ang National U, 25-23, 15-25, 28-26, 25-22. Di pa lusaw ang semis hopes ng Lady Falcons na may 4-7 kartada.
Kahit talo ang NU, pasado na sila sa Final Four (9-2), salamat sa pagkatalo ng UP (3-8) kontra FEU.
Laban kung laban! May init pa ang season, at mukhang may pasabog pang parating!