Site icon PULSE PH

‘Fake Witness’ sa Flood Control nila Marcoleta at Defensor, Nawawala!

Nagiging mas kontrobersyal ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomalya sa flood control projects matapos mabunyag na nawawala ang testigong ipinrisinta nina Senador Rodante Marcoleta at Rep. Mike Defensor—na ngayon ay pinaghihinalaang “pekeng saksi.”

Kinumpirma ni Sen. Ping Lacson na hindi na matagpuan si Orly Guteza, ang umano’y “surprise witness” na ipinakilala ni Marcoleta sa nakaraang pagdinig. Ayon kay Lacson, nang puntahan ng mga tauhan ang rehistradong tirahan ni Guteza, wala na ito roon at hindi rin alam ng mga kapitbahay kung saan siya naroroon.

Si Guteza, na sinasabing dating security aide ni Rep. Elizaldy Co, ay nagbunyag umano na naghatid siya ng maletang puno ng pera sa bahay ng dating House Speaker Martin Romualdez. Ngunit agad itong nabahiran ng duda matapos lumabas na peke ang pirma ng notary lawyer sa kanyang affidavit. Ayon sa Manila Regional Trial Court, hindi tugma ang lagda ng abugado sa dokumento kumpara sa kanyang tunay na pirma—na ngayon ay posibleng mauwi sa kaso ng falsification.

Sinabi ni Lacson na kahit may duda, isasama pa rin sa imbestigasyon ang affidavit ni Guteza, ngunit kailangang beripikahin ang kanyang mga pahayag. “Kapag ‘di siya makita, ia-appreciate na lang namin ‘yung sinumpaang salaysay on its face value,” ani Lacson sa panayam sa One News Storycon.

Dahil si Marcoleta ang nagpakilala kay Guteza, sinabi ni Lacson na hihingi sila ng tulong kay Marcoleta at Defensor para mahanap ang nawawalang testigo. “Magpapadala kami ng subpoena sa pamamagitan ng opisina ni Sen. Marcoleta at/o ni Defensor. Sila ang nagdala sa kanya, kaya sana alam nila kung nasaan na siya,” dagdag ni Lacson.

Lumabas din sa CCTV footage ng Senado na nakita si Guteza sa opisina ni Marcoleta nang halos 30 minuto bago ang pagdinig noong Setyembre 25, bago ito lumipat sa session hall.

Target ni Lacson na ipagpatuloy ang Blue Ribbon hearings sa Nobyembre 14, sa sandaling siya ay muling maitalagang chair ng komite.

Ang pagkawala ni Guteza ay lalo pang nagpapataas ng mga tanong sa integridad ng mga ebidensiya at sa motibo nina Marcoleta at Defensor sa pagpapakilala sa kanya bilang testigo.

Exit mobile version