May matinding pangamba sa Europa habang sinisimulan ng Estados Unidos ang negosasyon sa Russia para tapusin ang giyera sa Ukraine. Sa Munich Security Conference, muling bumulong ang anino ng kasaysayan—ang masakit na aral mula sa 1938 Munich Agreement, kung saan pinayagang sakupin ng Nazi Germany ang bahagi ng Czechoslovakia, na kalaunan ay nauwi sa World War II.
Ngayon, matapos biglaang buksan ni US President Donald Trump ang usapang pangkapayapaan kay Russian President Vladimir Putin, may takot na baka maulit ang kasaysayan.
“Ito ba ang Czechoslovakia, 1938, na muli nating nasasaksihan?” tanong ni EU foreign policy chief Kaja Kallas. “May agresor sa pintuan, at ang negosasyon ay tila may isinusuko na bago pa magsimula.”
Maging si Czech President Petr Pavel ay nagpahayag ng babala: “Dapat nasa mesa kami ng usapan, hindi lang ang Amerika. Kung hindi, parang inuulit natin ang ‘Munich spirit’ na alam na alam ng aming bansa.”
‘NEVER AGAIN’
Ang takot ng Europa ay kung pipilitin ng US ang Ukraine sa isang ‘masamang deal,’ maaaring lumabas si Putin bilang panalo at tuluyang mapanganib ang kontinente. Maging si Polish Prime Minister Donald Tusk, na nagmula sa bansang sinalakay ni Hitler noong 1939, ay naglabas ng mariing pahayag:
“Mahusay na lugar ang Munich bilang turista—mabait na tao, masarap ang beer. Pero bilang isang historyador at pulitiko, ang masasabi ko lang: MUNICH. NEVER AGAIN.“
Lalo pang lumalakas ang Russia sa digmaan, lumilikha ng mas maraming armas kaysa sa kanluran, at may agam-agam na kung makipagkasundo ito sa Ukraine, baka NATO naman ang sunod nitong balikan.
“Hindi ako naniniwala sa appeasement (pagpapayapa sa kalaban). Mali ito noong 1938 sa Munich, at mali rin ito ngayon,” giit ni Danish Prime Minister Mette Frederiksen.
Europe Gumagawa ng Sariling Hakbang
Dahil dito, pinaghahandaan ng European leaders ang posibleng epekto ng US-Russia deal. Magkakaroon ng emergency summit sa Paris upang pag-usapan ang mga plano gaya ng pagpapadala ng peacekeepers sa Ukraine.
Samantala, may panawagan din na palakasin ang depensa ng Europa matapos umasa sa US sa loob ng maraming dekada. Mismong Washington na ang nagbabala—hindi na ito nakatutok sa seguridad ng Europa at mas binibigyang pansin ang China.
Diretsahang sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky: “Ang Ukraine ang pumipigil ngayon sa Russia, salamat sa global aid. Pero kung hindi kami, sino ang pipigil sa kanila?”
Sa harap ng banta ng kasaysayan, muling tumitingin ang mundo sa Munich—at ang tanong: matututo na ba tayo sa nakaraan?