Sampung grupo ng mga consumer mula sa Europa ang humiling sa European Union na aksyunan ang mga patakaran ng pitong low-cost airlines na umano’y nagpapahirap sa mga pasahero dahil sa mga baggage fees. Pinangungunahan ng European Consumer Organisation (BEUC) ang kampanya laban sa mga airline na easyJet, Norwegian, Ryanair, Transavia, Volotea, Vueling, at Wizz Air.
Ayon sa BEUC, nalilito at naa-stress ang mga pasahero sa magulong patakaran sa pag-check-in dahil sa iba’t ibang fees sa bagahe. May ilan pa raw na umaabot ang bayad hanggang 280 euros (mahigit P18,000) para sa isang maleta—isang halaga na sinasabing lumalabag sa EU aviation regulations at mga desisyon ng European Court of Justice.
Ipinanawagan ng mga consumer groups na dapat ay may standard na libreng baggage allowance na kasama na sa presyo ng tiket. Hiniling din nila sa European Commission at mga consumer agencies ng EU na imbestigahan ang mga airlines at parusahan kung may ilegal na gawain.
Hindi naman nagpatalo ang mga airlines. Sinabi ng Ryanair na sumusunod sila sa batas ng EU pagdating sa presyo ng baggage, habang iginiit ng Norwegian na mahalaga ang kanilang baggage fee para sa kaligtasan, timbang ng eroplano, at oras ng biyahe. Ang Transavia at Volotea naman ay sumuporta sa pahayag ng Airlines for Europe na nagsabing kung ipipilit ang pagbabago, mawawala ang pagpipilian ng mga pasahero at pipiliting magbayad ang lahat para sa dagdag na serbisyo na hindi naman kailangan ng lahat.
Sa gitna ng pagtatalo, nananatiling mainit ang usapin kung hanggang saan dapat ang karapatan ng mga pasahero laban sa patakarang pinaiiral ng mga airline tungkol sa bagahe.