Dapat pangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang imbestigasyon sa gumuhong Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, ayon kay Senate President Francis Escudero.
Bagamat nasa ilalim ng DPWH ang proyekto, ito rin mismo ang iniimbestigahan ngayon matapos bumagsak ang bagong bukas na tulay.
Ayon kay Escudero, may teknikal na kakayahan ang DPWH upang suriin kung ano ang naging problema sa konstruksyon. “Sila ang namamahala sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno, kaya sila ang nasa pinakamainam na posisyon para alamin kung ano ang naging sanhi ng pagguho,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalagang matukoy muna ang may pananagutan bago magpatuloy sa imbestigasyon. “Kung lumabag sa pamantayan ang contractor, dapat silang managot. Pero kung sinunod nila ang disenyo at doon nagka-problema, iba ang dapat managot.”
Ipinunto rin ni Escudero na posibleng magsagawa ng sariling pagsisiyasat ang Senado upang malaman ang tunay na dahilan ng insidente.
Una nang sinabi ng DPWH na maaaring overloading ang isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng tulay, ngunit kailangan pa rin itong masusing suriin upang matiyak ang tunay na sanhi ng trahedya.