Sinimulan na ng US Justice Department ang paglalabas ng matagal nang hinihintay na mga dokumento kaugnay ng kaso ng convicted sex offender na si Jeffrey Epstein, ngunit agad itong sinalubong ng batikos dahil sa malawakang pag-redact o pagtatakip ng mahahalagang detalye.
Kabilang sa mga inilabas na files ang mga litrato na nag-uugnay kay Epstein sa ilang kilalang personalidad, gaya nina dating US President Bill Clinton, rock legend Mick Jagger, at pop icon Michael Jackson. Gayunman, maraming pahina ang halos puro itim dahil sa censorship, dahilan para lalo pang umigting ang hinala ng publiko sa posibleng cover-up ng mga makapangyarihang sangkot.
Sa isang dokumento, pitong pahina na naglalaman ng listahan ng 254 na masseuse ang tuluyang tinakpan ang lahat ng pangalan, ayon sa DOJ ay para protektahan ang posibleng mga biktima. Mayroon ding mga larawang nagpapakita ng mga hubad o bahagyang hubad na indibidwal, pati mga kuha ni Epstein at ng kanyang mga kasama na may hawak na baril—ngunit halos lahat ay may tinakpang mukha.
Kasama rin sa mga dating hindi pa nakikitang larawan si Ghislaine Maxwell kasama ang disgrasyadong si dating Prince Andrew, at isang litrato ni Clinton na nasa hot tub, na bahagi rin ay naka-redact.
