Ang Chinese Ambassador sa Manila na si Huang Xilian ay ipinatawag ngayong Lunes hapon hinggil sa pinakabagong insidente ng pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Ma. Teresita Daza sa isang press briefing sa Malacañang.
“Binabanggit namin na ito ang ika-apat na pagkakataon ngayong taon, kung saan dalawang insidente ay nangyari lamang nitong weekend na ginamit ang water cannons laban sa mga barko ng Pilipinas. Lalong nakababahala, ito na ang ikatlong insidente kung saan ang mga peligrosong maniobra ng mga barko ng China ay nagresulta sa pagkakabangga mula pa noong Oktubre 2022 sa isang resupply mission,” aniya.
Ayon sa opisyal ng DFA, nagbigay ng diplomatic demarche o opisyal na representasyon ng posisyon ng gobyerno ang Philippine Embassy sa Beijing sa Ministry of Foreign Affairs ng China noong Linggo.
Kabilang sa demarche ang mga insidente ng pangha-harass sa Bajo de Masinloc sa Zambales noong Sabado at sa Ayungin (Second Thomas) Shoal noong Linggo.
Sinabi ni Daza na nag-file din ang DFA ng protesta noong Linggo ng tanghali sa pamamagitan ng maritime communication mechanism, o tinatawag na hotline na pinanatili sa pagitan ng Office of Maritime and Ocean Affairs ng DFA at Department of Boundary and Ocean Affairs ng Chinese Foreign Ministry.
Sa kanyang mga post sa kanyang social media pages noong Linggo ng gabi, sinabi ni Presidente Marcos na mananatili ang gobyerno sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa sa kabila ng pinakabagong agresibong galaw ng naval forces ng China laban sa mga sundalo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Ang pang-aagresyon at pang-uusig na isinagawa ng China Coast Guard at kanilang Chinese Maritime Militia laban sa ating mga sasakyang pandagat at personnel nitong weekend ay lalong nagpapalakas sa ating determinasyon na ipagtanggol at protektahan ang soberanya, sovereign rights, at jurisdiction ng ating bansa sa West Philippine Sea,” aniya.
“Ito ay isang malinaw at hayagang paglabag sa pandaigdigang batas at sa batayang-panuntunan ng pandaigdigang orden,” dagdag pa ni Marcos.
Sa insidenteng naganap noong Linggo, personal na nasaksihan ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang pangha-harass ng China Coast Guard nang sumama siya sa resupply mission sa isang barko ng Philippine Navy bago lumipat sa supply boat na Unaizah May 1.