Sinugod ng ilang environmental at disaster survivor groups ang gusali ng St. Gerrard Construction, isang kumpanya ng Discaya family, nitong Huwebes, Setyembre 4.
Pinuntirya ng grupo, kabilang ang People Surge National Alliance of Disaster Survivors and Victims, ang logo ng kumpanya sa pamamagitan ng pagbuhos ng putik at pagsulat ng mga salita tulad ng “magnanakaw” at “ikulong” sa mga gates.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng grupo na ang kita ng Discaya at ng mga tiwaling pulitiko ay nagreresulta sa pagbaha ng mga pamilya, pagkasira ng kabuhayan ng magsasaka, at paglikas ng komunidad. Idiniin nila na “ang gobyerno mismo ay naging sakuna, ginagawang cash cow ang pondo para sa proteksyon at resilience.”
Ayon kay Pasig City Police Chief Colonel Henrix Mangaldan, ipinatupad ng mga pulis ang maximum tolerance sa kabila ng kilos-protesta at hindi pinairal ang dispersal. Sinabi rin niya na nasa management ng kumpanya ang desisyon kung maghahain ng kaso laban sa mga nagprotesta.
“Dapat hindi natin papayagan may mga ganyang mangyari kasi maaaring nagkakasala sila sa malicious mischief,” dagdag ni Mangaldan.