Site icon PULSE PH

‘Emman Atienza Bill’, Isinulong sa Senado Laban sa Online Bullying at Pangha-Harass!

Kasunod ng pagkamatay ng content creator na si Emman Atienza, inihain sa Senado ang isang panukalang batas na layong labanan ang online hate, cyberbullying, at digital harassment.

Ang panukalang ito, na tatawaging “Emman Atienza Bill” (Senate Bill No. 1474), ay inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito. Layunin nitong palawakin ang kasalukuyang mga batas laban sa cybercrime at bullying upang maparusahan ang mga kilos tulad ng online hate speech, cyberstalking, at pagpapakalat ng pribadong impormasyon nang walang pahintulot.

Ayon kay Ejercito, napapanahon na ang mas mahigpit na batas laban sa digital abuse, lalo na’t dumarami ang biktima, kabilang ang mga kabataan. “Ang social media ay dapat maging plataporma ng katotohanan, hindi ng paninira o karahasan,” aniya.

Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga digital platform na tanggalin o i-block ang mapanirang content sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang beripikadong reklamo o kautusan ng korte. Maaari rin silang mag-suspend o mag-ban ng mga lumalabag at obligadong i-preserba ang digital evidence para sa imbestigasyon.

Ang panukalang batas ay inaalay bilang pagpupugay kay Emman Atienza, na naging biktima ng matinding online bullying.

Exit mobile version