Diretsahang sinabi ni Elon Musk, isa sa pinakamayamang tao sa mundo, na wala siyang interes na bilhin ang TikTok kahit pa ito ay nakaharap sa posibleng pagbabawal sa U.S.
“Hindi ako nag-bid para sa TikTok at wala rin akong plano kung sakaling mapasaakin ito,” ani Musk sa isang forum sa Germany noong Enero, na inilabas nitong weekend.
TikTok sa Delikadong Posisyon
Sa kasalukuyan, pinipilit ng U.S. ang ByteDance, ang Chinese owner ng TikTok, na ibenta ang platform para maiwasan ang ban dahil sa isyu ng national security at data privacy.
Isa sa unang hakbang ni Trump nang muling maupo bilang pangulo ay ang pagpigil sa pagpapatupad ng batas na dapat sana’y nagbawal sa TikTok. Matapos nito, iminungkahi niya ang ideya na bilhin ito ni Musk.
Pero hindi ito kinagat ni Musk.
“Hindi ko ginagamit ang TikTok, kaya hindi ako pamilyar dito. Hindi rin ako atat na bilhin ito,” ani Musk.
Musk at Ang Kanyang Kontrobersyal na Pamamahala
Matatandaang binili ni Musk ang dating Twitter (ngayon ay X) noong 2022 sa halagang $44 bilyon, na ayon sa kanya ay para protektahan ang “free speech.”
Pero matapos ang kanyang takeover, lumobo ang fake news at hate speech sa platform, ayon sa mga human rights groups.
Bukod sa pagiging malaking financial backer ni Trump, si Musk rin ang nangunguna sa “Department of Government Efficiency” (DOGE)—isang programang naglalayong putulin ang budget ng ilang ahensya ng gobyerno at tanggalin ang mga empleyadong hindi kaalyado ng administrasyon.
Nitong Sabado, hinarangan ng isang US judge ang access ng team ni Musk sa milyun-milyong personal at financial records mula sa Treasury Department.
Musk vs. DEI
Sa parehong forum sa Germany, binanatan din ni Musk ang Diversity, Equity, and Inclusion (DEI) initiatives—mga programang sumusuporta sa mga minorya at marginalized communities.
“Ang DEI ay simpleng racism na may bagong brand,” ani Musk. “Tutol ako sa racism at sexism kahit kanino ito ipatungkol.”
Sa ilalim ng utos ni Trump, kasalukuyang tinatanggal ng gobyerno ang mga DEI programs sa federal agencies.
Musk, Suportado ang Far-Right sa Germany
Maliban dito, nagpakita rin si Musk ng suporta sa kontrobersyal na far-right AfD party sa Germany, isang partido na mahigpit na tutol sa imigrasyon—isang sensitibong isyu sa bansang may madilim na kasaysayan sa Nazi era.
