May konting ginhawa muna ang mga motorista at commuters sa EDSA, matapos ipagpaliban ni President Bongbong Marcos ang nakatakdang rehabilitasyon ng nasabing kalsada — isang buwang delay para makahanap ng mas maayos na solusyon na hindi lubos na manggugulo sa araw-araw na biyahe ng mamamayan.
Inanunsyo ito ni Marcos sa Quezon City launch ng “Pamilya Pass 1+3” promo — isang bagong Sunday train fare deal kung saan apat ang makakasakay sa MRT-3 at LRT-1 at 2 pero isa lang ang magbabayad.
Ayon kay PBBM, maraming manggagawa at commuters ang nangangambang lumala pa ang trapik, at posibleng mawalan ng trabaho o makauwi ng sobrang late. Isa rin sa mga dahilan ng delay ay ang bagong teknolohiyang maaari umanong magpabilis ng proyekto.
“Baka puwede nating paikliin ang construction time — hindi na two to three years, baka six months o isang taon lang. ‘Wag nating pahirapan ang tao,” ani Marcos.
Ang rehab ay dapat sisimulan ngayong Hunyo 13, at sasaklawin parehas ang northbound at southbound lanes ng EDSA. Mahigit 400,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada araw, kahit 300,000 lang ang kapasidad nito.
May mga traffic mitigation plans nang inihanda gaya ng libreng Skyway Stage 3 at NLEX Connector access, pati odd-even scheme. Inirekomenda rin ng DOLE ang work-from-home setup.
Pinuri ng ilang labor groups gaya ng FFW at SENTRO ang postponement, at nanawagan ng mas bukas na dayalogo sa gobyerno. “Tama lang ‘yan. Huwag basta simula ng project na walang malinaw na proteksyon para sa mga manggagawa at mananakay,” ayon sa SENTRO.
Samantala, good vibes naman ang hatid ng bagong “Pamilya Pass 1+3” promo. “Sa kulturang Pilipino, ang Linggo ay para sa pamilya. Ngayon, mas madali nang makasama sila sa biyahe,” ani Marcos. Bonus pa, puwede rin ito sa tropa — hindi lang sa pamilya.
Kasama ang buong First Family, sumakay si Pangulo mula GMA-Kamuning hanggang North Avenue Station ng MRT. Nakihalubilo pa sila sa ilang pasahero habang nilalahad ang layunin ng bagong fare promo.
