PULSE PH

Eala, Pasok na sa Main Draw ng WTA1000 Dubai

Diretso na sa main draw ng WTA1000 Dubai Duty Free International Tennis Championships si Alex Eala matapos umakyat sa Top 40 ng rankings ng Women’s Tennis Association.

Dahil sa pag-angat niya sa world rankings, hindi na kailangang dumaan ni Eala sa qualifying round at agad siyang makakaharap ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa women’s tennis. Kabilang dito sina world No. 1 Aryna Sabalenka, No. 2 Iga Swiatek, at No. 3 Elena Rybakina, na kamakailan ay nagkampeon sa Australian Open.

Pangalawang torneo na ito ni Eala sa United Arab Emirates ngayong taon matapos ang impresibong pag-abot sa quarterfinals ng singles at semifinals ng doubles sa WTA500 Abu Dhabi Open. Ito rin ang ikalawa niyang WTA1000 event ngayong season matapos ang maagang exit sa Qatar Open.

Sa edad na 20, patuloy ang pag-angat ni Eala sa world stage at inaasahang muling susuportahan ng mga overseas Filipinos sa Dubai ang kanyang kampanya laban sa mga “titans” ng tennis.

Exit mobile version