Walang pahinga si Alex Eala matapos ang kanyang makasaysayang panalo bilang unang WTA champion mula sa Pilipinas. Kaagad siyang haharap sa bagong hamon sa WTA 250 Sao Paulo Open sa Brazil na sisimulan ngayong Martes.
Bilang No. 3 seed, makakalaban ni Eala ang French qualifier na si Yasmine Mansouri sa unang round. Batay sa live WTA rankings, nasa No. 61 si Eala na may 1,054 puntos, kumpara sa No. 380 na si Mansouri — dahilan kung bakit malaki ang tiyansang manalo ang Pinay tennis star.
Ang mananalo sa kanilang laban ay uusad sa ikalawang round upang makaharap ang magwawagi sa pagitan nina Julia Riera ng Argentina (WTA No. 188) at Vitalia Diatchenko ng Russia (WTA No. 429).
Si Eala, 20 anyos, ay galing sa mainit na momentum matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Guadalajara Open, kung saan tinambakan niya ang mas mataas ang ranggo na kalaban at tinapos ang torneo bilang kampeon. Tumanggap siya ng $115,000 (P6.5M) mula rito, kasunod pa ng halos P8.7M na napanalunan niya sa kanyang makasaysayang stint sa US Open, kung saan siya ang kauna-unahang Pinay na nagwagi sa main draw ng isang Grand Slam.
Puno ng kumpiyansa mula sa sunod-sunod na panalo, handa si Eala na ipagpatuloy ang kanyang matagumpay na kampanya sa Brazil.