Hindi na umabot sa quarterfinals si Alex Eala matapos siyang pataubin ng Haponesang si Mai Hontama, 7-6(5), 6-2, sa Round of 16 ng WTA Mumbai Open nitong Miyerkules sa India.
Lumaban nang matindi si Eala sa unang set, nakakuha pa ng 3-2 lead laban sa World No. 166 na si Hontama. Pero hindi nagtagal, nakabawi ang Haponesa at nanaig sa tiebreak.
Sa second set, nakipagsabayan pa si Eala sa unang bahagi at naitabla ang laban sa 2-2. Ngunit dito na tuluyang kumalas si Hontama, winalis ang sumunod na apat na games para tapusin ang laban sa loob ng isang oras at 47 minuto.
Bago ang pagkatalong ito, dinaig ni Eala si Sara Saito sa Round of 32, 6-1, 6-0. Pero tila hindi pa niya mabasag ang sunod-sunod na maagang pagkalaglag sa mga torneo, matapos ding mabigo sa qualifiers ng Singapore Tennis Open at Australian Open.
Nagpakitang-gilas naman siya noong Enero nang umabot sa semifinals ng Canberra International, bago siya pinatalsik ni Sijia Wei.
