Makasaysayang panimula ng 2026 season ang ginawa ni Alex Eala matapos niyang muling pabagsakin ang mga higante ng tennis. Kasama ang American teen na si Iva Jovic, tinalo ng Filipina-American duo sina dating Grand Slam champion Elina Svitolina at tennis icon Venus Williams, 7-6 (9-7), 6-1, sa unang round ng ASB Classic sa Auckland, New Zealand.
Matapos maiwan sa unang set, nagpakita ng tibay at tapang sina Eala at Jovic nang masagip nila ang walong set points at magwagi sa dikdikan na tiebreak. Tuluyang umarangkada ang kabataang pares sa ikalawang set, gamit ang bilis at lakas upang makuha ang upset win sa loob lamang ng isang oras at 29 minuto.
Sa harap ng maraming Pilipinong nanood, nagpasalamat si Eala sa suporta at sinabing espesyal ang panalo dahil nakaharap nila ang mga idolong atleta na matagal na niyang hinahangaan.
Pasok na sa quarterfinals ang world No. 53 na si Eala at No. 35 na si Jovic, at target nilang umabante pa sa Final Four laban sa mananalo sa susunod na laban. Ang panalo ay malinaw na patunay ng “youth power,” kung saan nanaig ang bagong henerasyon laban sa beteranong karanasan.
