Site icon PULSE PH

Dr. Willie Ong, Umatras sa Senate Race Dahil sa Kalusugan!

Hindi na tatakbo sa Senado si Dr. Willie Ong sa darating na 2025 elections upang tutukan ang kanyang gamutan laban sa cancer.

“I am officially withdrawing my candidacy for the 2025 elections so I can focus on taking care of my health,” ani Ong sa isang Facebook post kahapon.

Nagpasalamat siya sa lahat ng sumuporta at nanalangin para sa kanya, at iginiit na magpapatuloy pa rin ang kanyang adbokasiya sa pagtulong sa mahihirap kahit nasa pribadong buhay na siya.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), hindi na kailangang personal na isumite ni Ong ang kanyang withdrawal letter basta’t may kalakip itong medical certification.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, isiniwalat ni Ong na mayroon siyang sarcoma cancer sa sikmura—isang 16cm na bukol na matatagpuan sa pagitan ng kanyang puso at spine. Sa kabila nito, nag-file pa rin siya ng kandidatura noong Oktubre.

Paliwanag ng Comelec, kahit opisyal nang umatras si Ong, mananatili pa rin ang kanyang pangalan sa balota. Ang mga botong ibibigay sa kanya ay maituturing na stray votes o hindi mabibilang.

“Prioritize Your Health”

Nagpahayag naman ng suporta ang health reform advocate na si Dr. Tony Leachon sa desisyon ni Ong.

“Please prioritize your health and focus on your family. You can still continue your advocacy to help if you’re healthy – physically, mentally, emotionally, and spiritually,” ani Leachon.

Sa ngayon, wala pang bagong pahayag si Ong kung plano pa niyang bumalik sa pulitika sa hinaharap, ngunit tiniyak niyang mananatili siyang aktibo sa pagbibigay ng kaalaman sa kalusugan sa publiko.

Exit mobile version