PULSE PH

DPWH: Walang Pondo para sa Bagong Flood Control Projects sa 2026 Budget!

Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang inilaan na pondo para sa mga bagong locally-funded flood control projects sa kanilang panukalang 2026 budget, taliwas sa mga ulat na may P2.49 bilyong nakalaan para rito.

Ayon sa DPWH, ang P2.49 bilyon ay eksklusibong gagamitin para sa maintenance at operating expenses ng mga umiiral na flood control projects, kabilang ang mga programa sa ilalim ng Oplan Kontra Baha ng pambansang pamahalaan.

Ipinaliwanag ng ahensya na mapupunta ang pondo sa mga gawain tulad ng declogging, desilting, dredging, pagkukumpuni at paglilinis ng mga daluyan ng tubig at drainage systems sa iba’t ibang panig ng bansa. Layunin nitong mabawasan ang panganib ng pagbaha kahit may limitasyon sa pondo.

Dagdag pa ng DPWH, ang kawalan ng pondo para sa mga bagong proyekto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan at isaayos ang gastusin ng ahensya.

Ginawa ang paglilinaw matapos lumabas ang mga ulat na may P2.49 bilyong alokasyon para sa flood control at drainage systems sa 18 rehiyon sa bansa.

Patuloy namang nasa ilalim ng matinding pagsusuri ang DPWH kaugnay ng mga alegasyon ng ghost at substandard flood control projects, kung saan sinasabing bilyong pisong pondo ng bayan ang nasayang o ninakaw.

Exit mobile version