Site icon PULSE PH

DPWH, Hindi Muna Pinagsusuot ng Uniporme Para Iwas-Bullying!

Pinayagan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang mga opisyal at kawani na huwag munang magsuot ng uniporme “hanggang sa may bagong abiso.” Ayon sa memorandum na inilabas noong Setyembre 9, dapat pa rin silang pumasok nang disente at presentable alinsunod sa dress code ng Civil Service Commission.

Hindi diretsong binanggit sa memo ang dahilan, pero sa isang Facebook post ng ahensya, sinabi nitong hakbang ito para protektahan ang mga empleyado laban sa posibleng harassment o bullying.

Nangyari ito sa gitna ng mainit na imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project ng DPWH, kabilang ang mga akusasyon ng korapsyon, sobrang mahal na kontrata, palpak na kalidad ng trabaho, at ghost projects.

Sa mga pagdinig, pinangalanan ng dating DPWH engineer na si Brice Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva bilang umano’y sangkot sa kontrobersya. Kasabay nito, naglabas din ang Department of Justice ng 43 Immigration Lookout Bulletin Orders laban sa ilang opisyal ng DPWH at mga kontratista ng gobyerno.

Exit mobile version