Site icon PULSE PH

DPWH Engineer Tiklo sa Estafa; P450M Anomalya sa Las Piñas Binubusisi!

Arestado ang dating Las Piñas-Muntinlupa district engineer na si Isabelo Baleros matapos sampahan ng maramihang kaso ng estafa, ayon kay Rep. Mark Anthony Santos ng Las Piñas.

Hinuli si Baleros sa mismong opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Port Area, Manila, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Tammy Ann Reyes Mendillo ng Manila Regional Trial Court Branch 22 noong Setyembre 30. Itinakda ang piyansa sa ₱48,000.

Tatlo pang kasabwat ni Baleros — sina Ferdinand Villar, Dennis Aguilar, at Tony Espi — ay patuloy na pinaghahanap. Ayon sa tanggapan ni Santos, iniimbestigahan pa kung may kaugnayan si Villar sa mga dating senador na sina Manny at Cynthia Villar, at kung si Aguilar ay dating konsehal ng Las Piñas.

“This is just the tip of the iceberg,” ayon kay Santos. “Ang P450 milyong ninakaw sa Las Piñas ay hindi basta numero — pera ito ng taong-bayan. Dapat managot ang mga opisyal na ito.”

Kaugnay nito, naglabas si DPWH Secretary Vince Dizon ng show-cause order laban kay Baleros at siyam pang engineer na iniimbestigahan dahil sa umano’y magarang pamumuhay at maanomalyang proyekto. Binigyan sila ng limang araw para magsumite ng paliwanag.

Tiniyak ni Santos na tututukan niya ang kaso upang masampahan ng kaukulang parusa ang mga sangkot sa katiwalian sa DPWH.

Exit mobile version