Sa pagtanggap ni Donnalyn Bartolome ng parangal bilang Best Content Creator sa Septimius Awards sa Amsterdam, hindi lang siya nagpasalamat—ginamit niya rin ang pagkakataon para isulong ang panawagan laban sa problema ng pagbaha sa Pilipinas.
Ipinunto ng vlogger at influencer na taon-taon ay may mga pamilyang nawawasak ang tahanan at may mga buhay na nasasayang dahil sa paulit-ulit na pagbaha. Lalo pang lumaki ang isyu matapos mabulgar na bilyon-bilyong pisong flood control projects ng gobyerno umano’y nasayang dahil sa katiwalian.
“Prevention is better than cure,” ani Donnalyn habang hawak ang kanyang tropeo. Hinimok niya ang gobyerno na magpakita ng mas mahusay na aksyon, ngunit iginiit na kaya ring kumilos ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno at kawayan para makatulong sa pagbawas ng baha.
Dagdag pa niya, ang pagiging influencer ay walang saysay kung hindi gagamitin para magdala ng positibong pagbabago. Bago matapos ang kanyang talumpati, hiniling niyang bawat isa ay magtanim man lang ng isang puno sa kanilang buhay—isang simpleng hakbang para sa kinabukasan ng mundo.
Sa kanyang Instagram post, muli niyang inulit ang panawagan at nag-imbita ng mga volunteers para sa tree-planting activities na kanyang sinusuportahan.