Inanunsyo ng US Justice Department na ang pangunahing doktor na kinasuhan kaugnay ng pagkamatay ni “Friends” star Matthew Perry ay inaasahang aamin sa kasalanan sa mga darating na linggo.
Si Dr. Salvador Plasencia ay papasok ng guilty plea sa apat na bilang ng illegal na pamamahagi ng ketamine, isang matinding anesthetic na ginagamit din bilang party drug. Maaaring umabot sa 40 taon ang sentensya niya sa pederal na kulungan.
Ayon sa mga imbestigador, ibinenta ni Plasencia ang ketamine kay Perry sa sobrang taas na presyo. Sa mga text message na ipinakita ng piskalya, tinawag pa niya si Perry na “moron” habang tinatawanan ang laki ng bayad ng aktor.
Pinuntahan pa raw ni Plasencia si Perry sa bahay nito para i-inject mismo ang droga. Sa loob lang ng dalawang linggo noong 2023, nakapagbenta siya ng 20 vials ng ketamine.
Ginagamit noon ni Perry ang ketamine bilang bahagi ng therapy para sa depresyon. Pero ayon sa mga awtoridad, bago siya namatay ay nalulong na siya rito.
May kabuuang limang katao ang kinasuhan sa pagkamatay ng aktor. Kabilang dito si Jasveen Sangha, na tinaguriang “Ketamine Queen,” na umano’y nag-supply ng nakamamatay na dose kay Perry. Dalawa pang kasabwat kabilang ang personal assistant ng aktor ay aminado na rin sa kasalanan.
Si Matthew Perry, kilala bilang Chandler Bing sa Friends, ay matagal nang lumaban sa adiksyon sa gamot at alak. Sa kanyang memoir na “Friends, Lovers and the Big Terrible Thing,” inamin niyang dumaan siya sa detox ng mahigit 60 beses.
Ang kanyang biglaang pagkamatay sa edad na 54 ay nagdulot ng matinding lungkot sa milyong fans sa buong mundo.
