Isa sa dalawang doktor na kinasuhan kaugnay ng pagkamatay ni Matthew Perry ay inaasahang aamin ng kasalanan ngayong Miyerkules sa federal court sa Los Angeles. Si Dr. Mark Chavez, 54, mula San Diego, ay pumirma ng plea agreement noong Agosto para sa kasong pakikipagsabwatan sa pamamahagi ng surgical anesthetic na ketamine.
Si Chavez ang magiging ikatlong tao na aamin ng kasalanan matapos ang pagkamatay ng “Friends” star dahil sa overdose noong nakaraang taon. Inalok ng mga prosecutor ng mas magaan na kaso si Chavez at dalawa pang tao kapalit ng kanilang kooperasyon upang habulin ang itinuturong mas responsable sa pagkamatay ni Perry—isa pang doktor at isang kilalang dealer na tinaguriang “ketamine queen” ng Los Angeles.
Nakalaya si Chavez matapos magpiyansa at isuko ang kanyang pasaporte at medical license. Ayon sa kanyang abogado, si Matthew Binninger, si Chavez ay labis na nagsisisi at ginagawa ang lahat upang maitama ang nangyari.
Tumutulong din sa mga prosecutor ang assistant ni Perry at isang kaibigan, na parehong umamin sa pagtulong sa aktor na makuha at mag-inject ng ketamine. Ang kanilang testimonya ay laban kina Dr. Salvador Plasencia, na kinasuhan ng ilegal na pagbebenta ng ketamine kay Perry, at Jasveen Sangha, na umano’y nagbenta ng nakamamatay na dosis ng droga. Pareho silang nagpahayag ng “not guilty” at naghihintay ng paglilitis.