Umapela ang Department of Justice (DOJ) sa Muntinlupa court na baligtarin ang pagkaka-acquit kay Rep. Leila de Lima at dating bodyguard niyang si Ronnie Dayan sa isa sa mga drug cases laban sa kanila.
Sa 17-pahinang motion for reconsideration, iginiit ng DOJ na mali ang desisyon ng korte na iabswelto si De Lima — dahil umano’y sobrang umasa sa pagbawi ng testimonya ng dating BuCor chief Rafael Ragos.
Matatandaang sinabi noon ni Ragos na naghatid siya ng P10 milyon kay De Lima — na sinasabing kita mula sa ilegal na droga sa Bilibid. Pero binawi niya ito noong 2022, at sinabing pinilit lang daw siya ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre na idiin si De Lima.
Pero giit ng DOJ, walang matibay na ebidensiya ang coercion claim ni Ragos, at hindi raw sapat ang kanyang “baldong alegasyon” para i-discredit ang dati niyang testimonya sa ilalim ng panunumpa.
Binanggit pa ng DOJ na maraming ibang ebidensiyang nagpapakita ng papel ni De Lima at Dayan sa illegal drug trade, at suportado raw ng ibang testigo ang mga sinabi ni Ragos noon.
Sabi pa ng DOJ, hindi pinakinggan ng korte ang ruling ng Court of Appeals, na una nang nagpawalang-bisa sa acquittal ni De Lima at nagsabing kulang ang naging batayan ng trial court.
Sa huli, tanong ng DOJ: Dapat bang mabalewala ang mga naunang testimonya sa loob ng korte — base lang sa pagbawi ng isang testigo, na wala namang matibay na patunay?