Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng mpox sa bansa ngayong taon, isang 33-anyos na lalaki mula sa National Capital Region (NCR).
Sa isang press conference, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na walang travel history ang pasyente sa labas ng bansa, ngunit nagkaroon ito ng “malapit at intimate na contact” tatlong linggo bago lumabas ang mga sintomas.
“Ibig sabihin, nandito na sa bansa ang mpox virus. Hindi na ito imported. May community transmission na ng sakit,” babala ni Herbosa. Kasalukuyan ding isinasagawa ang contact tracing para malaman kung sino ang mga posibleng nahawa at kung sino ang naging pinagmulan.
Tungkol naman sa strain ng virus, sinabi ng DOH spokesperson na si Albert Domingo na naghihintay pa sila ng sequencing results para sa kumpirmasyon.
Noong Agosto 14, idineklara ng World Health Organization (WHO) ang mpox bilang global public health emergency matapos itong kumalat mula sa Democratic Republic of Congo patungo sa mga kalapit-bansa tulad ng Burundi, Rwanda, at Uganda. Kinabukasan, naiulat ang unang mpox case sa labas ng Africa, na may bagong variant ng virus, sa Sweden.
