Nahaharap sa kasong graft at paglabag sa Code of Conduct si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa kasama ang dalawa pang opisyal ng ahensya kaugnay ng P98-milyong radio program na “PINASigla.”
Inihain sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban kina Herbosa, acting Assistant Secretary Albert Domingo, at Health Promotion Bureau Director Ma. Kristina Marasigan. Hinihiling din ng mga nagreklamo na isailalim sila sa preventive suspension upang hindi umano maimpluwensiyahan ang imbestigasyon.
Ayon sa mga grupong nagsampa ng kaso, nagkaroon ng conflict of interest dahil sabay na nagsilbing public officials at radio hosts ang tatlo sa programang umano’y pinondohan ng pondo ng gobyerno. Giit ng reklamo, hindi lamang daw inaprubahan ng mga opisyal ang programa kundi sila mismo ang nagdisenyo, nagpondo at naging pangunahing personalidad nito.
Binibigyang-diin ng mga nagreklamo na bagama’t mahalaga ang health promotion, mali umano ang paggamit ng pondo ng bayan para sa isang platapormang nagbibigay ng personal na exposure at branding sa mga opisyal.
Sa ngayon, inaasahan ang tugon ng Ombudsman sa kasong kinasasangkutan ng umano’y maling paggamit ng pondo at kapangyarihan sa loob ng DOH.
