Ngayon, limang aktibong kaso ng mpox ang naitala sa Pilipinas matapos mag-confirm ang Department of Health (DOH) ng dalawa pang bagong kaso.
Sa pinakahuling pahayag ng DOH, isang kaso ang natuklasan sa Metro Manila at isa sa Calabarzon. Pareho silang nahawaan ng mas magaan na MPXV clade II, na may sintomas ng rashes at lagnat.
Ang 12-taong-gulang na pasyente mula Calabarzon ay nagsimula ng magkarash noong Agosto 10 at may kasamang ubo at namamagang lymph nodes. Wala siyang travel history bago lumitaw ang sintomas.
Samantalang ang 26-taong-gulang na babae mula Metro Manila ay nagsimulang makaramdam ng rashes noong Agosto 20 at nagkaroon ng lagnat. Kumonsulta siya sa outpatient clinic at inatasang mag-isolate sa bahay.
Ayon sa DOH, parehong nakakarekober ang dalawa sa kanilang mga tahanan at binabantayan ng lokal na awtoridad sa kalusugan.
Mula noong Hulyo 2022, may kabuuang 14 na kaso ng mpox sa bansa, kung saan siyam ang ganap nang gumaling. Ang limang pasyente ngayon ay nag-aantay ng pag-resolba ng kanilang sintomas.
Ang mpox ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng malapit na kontak sa isang may sakit, kontaminadong kagamitan, o mga hayop na nahawa. Maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig para maiwasan ang sakit.