Bumaba na sa 25 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa death row sa iba’t ibang bansa, matapos ang mga repormang ipinatupad sa Malaysia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, dati’y nasa 50 hanggang 60 ang mga kaso ng OFWs na nahaharap sa parusang kamatayan, ngunit bumaba ito kasunod ng bagong batas ng Malaysia na nag-alis ng mandatory death penalty noong 2023.
Sinabi ni Cacdac sa pagdinig ng Senado na aktibo ang DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), at Office of the President sa paghingi ng clemency at commutation para sa mga kababayan nating nahatulan. “Si Pangulong Marcos ay personal na nagmamalasakit sa mga death row cases,” aniya.
Sa kasalukuyan, hawak ng DMW ang mahigit 1,100 aktibo at pending na kaso ng OFWs sa ibayong dagat, karamihan ay nasa Gitnang Silangan.
Samantala, binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kakulangan sa legal aid para sa mga OFW, kung saan may isang abogado lamang sa bawat 90,000 manggagawang Pilipino sa abroad.
Kahit humiling ang DMW ng ₱2.4 bilyon para sa legal assistance fund, ₱1.2 bilyon lang ang naaprubahan. Target ng ahensya na madagdagan ng 50% ang mga law firm at doblehin ang bilang ng in-house lawyers sa susunod na taon.
